| | Sa Pagpapatuloy… Kumikilos mula sa kinamulatan at kikilos mula sa natutunan, ito ang siklo at kultura ng tao. Sa lahat ng bagay, may kanya-kanya tayong pinaghuhugutan ng paniniwala, tradisyon at gawi. Dito madedetermina ang kinagisnan at kinagawiang kultura natin. Habang nalalantad sa ating kapaligiran, nahuhubog at namumulat ang ating kamalayan. Nagiging bukas sa pagbabago dahil sa mga karanasan. Kaya’t sa paglalakbay, ang pag-aaral, pagkatuto at pagsasapraktika nito ay napakahalagang bitbit na armas. Naniniwala akong upang lalong maging matatag sa hamon ng buhay, ang pagkakaroon ng sapat na pundasyon ay napakaesensiyal. Isang pamamaraan ko sa pagpapatibay ng aking pundasyon ay ang pagpapatuloy ng aking pagkatuto. Nag-enrol ako sa programang M. A. Filipino, Panitikan bilang unang hakbang tungo sa aking layunin. Dalawang sabjek ang kinuha ngayong ikalawang semestre (A.Y. 2007-08): Pan. Pil. 222 (Panitikan ng Pilipinas sa Kasalukuyang Panahon) at Pan. Pil. 210 (Panunuring Pampanitikan ng Pilipinas). Umaasa akong sa pamamagitan nito, magpapatuloy ang daloy ng aking kaalaman at kamalayan sa lipunang ginagalawan. Maging isang guro ang pangarap at mithiin ko, bata pa lang ako. Dahil sa nanaig ang paniniwala ng mga magulang ko sa konotasyon nila sa Manila gaya ng mapanganib at magulo, mas pinili ang Unibersidad ng Pilipinas Baguio at kumuha ako doon ng programang B. A. Communication. Naging mulat ako sa mga ideolohiya at paniniwala, at naging bukas sa mga makabagong kaisipan o ideya. Buhat sa mga ito, nahubog at patuloy na nahuhubog ang aking pagkatao. Sa mga napag-aralan, mahihinuha ang mas pinapanigang ideolohiya. Bawat akda ko, mararamdaman ang pagbibigay-diin ko sa pagpapahalaga sa kababaihan, ang feminismo. Maging ang komersyalismo at Marxismo ay maidaragdag din dahil sa patuloy itong nararanasan. At ngayon sa aking pagpapatuloy sa akademya, sa kasalukuyan kong naiisip, nais kong bigyang-focus ang panitikang pambata. Mapapansing hindi pa gaanong kalawig ang panitikang ito sa Pilipinas kaya’t gusto kong magsaliksik dito, at iuugnay ko ito sa aking pinanggalingang bayan. Inaasahan kong makakamit at magagawa ko nang maayos ang mga hangarin ko sa tulong ng pagpapatuloy ko sa pagkatuto at pagkamulat. Sa katunayan, maligaya ako at exsayted na makalikom ng mga bagong kaalaman at paglao’y maisaisip, maisapuso’t maisagawa. Alam kong marami pa akong daraanan sa aking pagpapatuloy, sa aking paglalakbay. |
| | Posted 1/30/2008 7:06 AM - 59 Views - 0 eProps - 0 comments
- recommend
    - recs0
- share
- email
 - sent0
Give eProps or Post a Comment |