Mapa ng Pilipinas: Pagmamapa sa Pilipinas Sa San Quintin, isang bayan ng Pangasinan, malawak na bukid, mapuno at madamong paligid, malapit sa mga ilog at medyo dinarayo ang mga dagat, ang tahanan ni Mayrose kapiling ang kanyang Papa, Mama at dalawang nakababatang kapatid. Simple at karaniwang pamumuhay ang nakalakhan niya. Dahil sa limitado ang kanilang pananalapi sa pang-araw-araw na gastusin, bawat piso ay mahalaga sa kanilang mag-anak. Naalala pa niya kung paano siya nasisiyahan sa pagkamit ng bagay mula sa pagliban niya sa bawat rises upang tipunin ang baon na paghahanda para sa pagsapit ng kanilang fiesta. Mula sa pag-iimpok, kakaibang ligaya ang dulot sa kanya tuwing nakakabili siya ng gustong pangangailangan katulad ng kasuotan, at iba pang nahihiligan bilang papremyo sa sarili. Hanggang sa ito’y naging nakasanayang gawi. Magpahanggang ngayon bitbit ko ang kasanayang kapares ng mga langgam. Ngunit ang gawi kong ito ay kinakabit sa popular na ugali ng mga Ilokano, isang esteryotayp sa isang etnikong grupo. Dala-dala ang balat ng pinagmulan. Hindi maikakaila ang aking pinanggalingan, ang madalas na turan nila. Dahil daw sa angking kahigpitan sa bulsa, Ilokanong-Ilokano talaga ako. Masinop lamang ako at may malaking pagpapahalaga sa bawat pisong nilalabas, pagtatanggol ko naman sa aking sarili. Sa simpleng ugali ko, nadetermina agad ang pagkakakilanlan sa akin, kabilang dito ang vernakular na katangian. Mula sa mga kilos, gawi, ugali, punto o pananalita, at istilo ng pamumuhay, namumutawi ang kultura ng Pilipino sa kani-kaniyang lalawigan, Ilokano man, Batangeno, Bikolano, Cebuano o Ilonggo o kahit saang rehiyon sa bansa. May identidad na taglay ang bawat isa, etnisidad na ang kaagapay ay wikang vernakular. Iba-iba sa iisang bansa na ang nagpapabigkis din ay ang isipang nasa iisang bansa sila, parehong komunidad, parehong Pilipino. Ito ang sinasabi ni Benedict Anderson na imagined community kung saan nagkakaisa ang mga tao sa pagbuo ng isang komunidad kaakibat ng kanilang mga aspirasyon. Ito ang pagsasaisip na kasapi tayo sa isang nasyon gaya ng kung titignan sa mas maliit na unit, bahagi tayo ng isang pamilya, na itinuturing na kapamilya. Sa pamamagitan ng pagsasapraktika nito, mas nagiging matingkad at konkreto ang bansa. Sa panitikan, naging usapin ang pagbubuo ng bansa - ang kalagayan ng panitikan ng Pilipinas sa konteksto ng mga kondisyong humuhubog sa pambansang panitikan. Sa mga ganitong usapin, isa si Bienvenido Lumbera na tumutulong at sinusulong ang panitikang pambansa kasama ng panitikang panrehiyon at ang relasyon ng dalawa sa pagbuo ng panitikan ng Pilipinas. Malawak ang sakop ng pagsasabansa dahil sa kinakawing ito sa iba’t ibang salik o pwersa katulad ng kasaysayan, kultura, geograpiya, politika, ekonomiya at sining. Ipupukol ko ang aking atensyon sa usaping pagsasabansa sa pamamagitan ng paglalatag ng panitikang panrehiyon at panitikang pambansa katulong ang mga ideya ni Lumbera. Panitikang panrehiyon at panitikang pambansa, ano nga bang relasyon mayroon ang dalawa? Mula kay Lumbera Pagkilala sa pinanggalingan, ito’y isang pagpapahalaga ni Lumbera na kanyang pinapalawig patungo sa pagsasabansa. Ang identidad ng panitikan ng Pilipinas ay nagmumula sa bumubuo nito. Ayon sa kanya, binubuo ang bansa natin ng lahat ng mamamayang nabuhay at namumuhay sa teritoryong kinikilalang lupain ng Pilipinas, na dumanas at dumaranas sa bisa ng mga pangyayari at pagkilos ng kasaysayan, politika at kultura ng lipunang kinabibilangan nila. Hindi lamang iisa ang panitikang likha ng lipunan, marami at iba’t iba dahil nahahati ang teritoryo sa iba-ibang rehiyon at ang kultura ng bawat rehiyon ay may sari-sariling katangiang nakaugnay sa wikang katutubo roon. Panitikang Rehiyunal Laban sa Panitikang Pambansa Bukod sa kultura at tradisyon, ang usaping rehiyunal o vernakular ay usapin din ng wika. Hindi maitatangging marginalisado ang mga panitikang vernakular. Sa pagtinging historikal, bunga ng kolonyal na pananakop ng Kastila at Amerikano, ang panitikan sa Pilipinas ay may bahid ng panghihiram sa mga dayuhang ito at ang edukasyong pampanitikang pinairal nila. Sila ang nagtakda kung ano ang pamantayan, kung ano ang pinakamahusay at kung anong wika ang akmang gamitin. Pagkatapos ng panahon ng mga mananakop, nagkaroon ng diskursong pangkritisismo na bumubuo sa “kanon” ng panitikan ng Pilipinas. Ang ginagawang pagsusuri ay nakabase sa mga akdang nakaposisyon sa sentro, kung kaya’t kinikilalang mga obrang pinakamahusay at pinakamakabuluhang nasulat ng mga Pilipino. Ang pananatili ng mga akdang nasa mga teksbuk sa mga matataas na paaralan maging sa kolehiyo ng ilang henerasyon ang nagpatanyag sa mga manunulat at nang lumaon ay nagsilbing modelo o kanon ang kani-kanilang mga akda. Ito ang sinasabing “Panitikang Pambansa.” Ngunit paano masasabing ito ang tunay na “Panitikang Pambansa” kung ang mga manunulat sa mga rehiyunal na wika na bumubuo sa pambansa ay itinakwil, iniwan at isinantabi lamang? May malaking sagka sa pagdaloy ng panitikang panrehiyon. Ayon nga kay Rolando Tolentino, ang kanon ay makasentro, marginal ang puwang para sa pagpasok ng panitikang may ibang sinasabi at paraan ng pagsabi. Gaya ko na taga Pangasinan, may sariling likhang-sining, may ginagamit na ibang wika maliban sa Filipino, may kulturang umiiral sa loob ng etnikong pangkat. Ngunit hindi maaalis ang nosyon ng pagkabansa sa puso’t isipan. May mga akdang matutukoy bilang mga akdang may pambansang tatak, nangangahulugang mayroon itong sangkap na patungkol sa bansa, sa kasaysayan nito, sa politika, sa kultura at sa sosyo-ekonomikong kalagayan ng lipunan. Ang sinasabi ni Lumbera na pagsala sa panitikang pambansa ay binabatay sa pamantayang pampolitika na ang mga akdang pampanitikan ay maituturing na pambansa kung mahahango sa akda ang pagkilala, bagamat hindi laging pakikiisa, sa naging kasaysayan ng sambayanang Pilipino, sa mga institusyong kumakatawan sa estadong tinaguriang “Republika ng Pilipinas,” at sa kulturang ibinunga ng naging pag-unlad ng lipunang kinabibilangan ng may-akda. Kung ang habol ay pampanitikan sa pambansang panitikan, pamantayang pansining naman ang ginagamit. Ang kahusayan ng pagsusulat, sa istilo, porma, teknik, at iba pa ang fokus na batayan ng estetika ng likhang-sining, na kusang nagniningning sa kahit saang kultura ito nanggaling. Rehiyunal at Pambansang Relasyon Isang sintomas ng pangkalahatang lagay ng panitikan, wika at kulturang vernakular, at ng diskurso ng pambansa ang akdang vernakular ayon kay Tolentino. Ito’y nangangahulugang pagkalkal sa mas malalimang mga isyu at problema ng vernakular at maging pambansa. Kung ang panitikang panrehiyon ay paloob na paninging inuugat ang mga akda sa tradisyunal na kultura ng rehiyon, ang panitikang pambansa nama’y palabas na paninging nakabukas sa ibang kultura, katutubo man o dayuhan, na nagpapalawig sa repertoryo ng kaisipan at pamamaraan na magagamit ng manunulat. Dagdag pa ni Lumbera, sa ganitong paraan, nagiging mabulas at malago ang paglikha ng mga manunulat dahil kayang abutin at tangkilikin ang mga akdang panrehiyon ng tagalabas at ang kaibang pananaw ng tagalabas at maging ang mga malikhaing inobasyong galing sa ibang panitikan ay nakapagpapasigla sa paglitaw ng bago sa panitikang panrehiyon. Ang kapangyarihang taglay ng panitikang rehiyunal at panitikang pambansa ay higit na mabisa kung nagkakaisa ang dalawa at gumagana sa isang maunlad na relasyon. Mula sa akin Bilang isang miyembro sa isang rehiyong hindi nabibilang sa sentro o ang tinaguriang “kanon,” bukas ako sa pagbabagong mababatbat ang kinikilalang “kanon.” Malinaw ang pagkakalarawan ni Lumbera sa identidad ng Pilipinong nabuhay at nabubuhay sa Pilipinas. Ang panitikang pambansa ay para sa lahat ng Pilipino. Kaya’t nararapat na ibaon ang mapanghusgang “kanon” at magluwal ng panibagong pamantayang pantay-pantay ang pagtingin sa bawat Pilipino. Hindi sagka ang kinabibilangang etnikong grupo o pangkat o uri sa lipunan. Ang iniaambag ng mga panitikang rehiyunal ay ang bukal na kayamanan ng pambansa dahil ito ang nagsisilbing ugat na lumalago kapag sama-samang nailalantad at namumungang kabuuan ng panitikan sa Pilipinas na maituturing na lehitimong “Pambansang Panitikan.” Ang paggamit ng vernakular na wika bilang pagtaguyod sa panitikang rehiyunal ay isang pagtalima at pagmamahal sa kinabibilangang etnisidad. Ang kaibigan kong si Zig na taga-Isabela na isang Ilokano, si Shelah na katrabaho kong taga-Bulacan na nagta-Tagalog at ang aking rummeyt na si Maan na nagsusulong sa wikang Filipino ay pare-parehong Pilipino. Kung magsusulat ng isang akda ang mga kaibigan ko, lalabas na kakaiba ang akda ni Zig dahil sa pagtangkilik sa kinalakhang wikang vernakular. Kung kaya’t upang hindi maging limitado ang pagkaunawa sa kanyang gawang sining, ang pagsasalin ang pinakamabisang rekomendasyon. Katulad ng maraming manunulat sa kasalukuyan, nagsasalin o gumagawa agad ng versyong Filipino o Ingles upang mas malawak ang akses ng kanilang obra. Ang nangyayari, mula panitikang rehiyunal patungong panitikang pambansa. Ito’y isang pagpapayaman, hindi lamang sa kaalamang pangwika, o kahusayan sa pagsusulat, kundi higit na pagpapayabong sa kultura at nasyonalismo sa bansang Pilipinas. Halimbawa, si Jaime Agpalo, Jr., na isang mahusay na manunulat sa maikling kuwentong pambata ay kilalang Ilokanong manunulat. Dahil sa pamantayang nalikha o kanon ng panitikan, nag-adjas siya rito upang mapabilang sa sinasabing kanon. Ang likhang-sining niyang pinamagatang “Marapait” (sunflower) na tungkol sa mga bulaklak ng Benguet na orihinal na nasulat sa Ilokano ay binago’t sinalin sa Filipino. Gayunpaman, ang ispirito ng kultura ay nanatili dahil sa paglalatag ng mga terminong vernakular, na kapansin-pansin na sa binigay na titulo ng akda. Upang manatiling mabisa ang akda, marapat na maingat ang tagasalin nito para hindi mabago ang kanyang esensiya. Mas mainam kung ang may-akda ang talagang magsasalin sa kanyang obra dahil siya at wala ng iba pa ang mas may higit na kaalaman sa kanyang gawang sining na siyang ginawa ni Agpalo. Bilang patnubay, isinasaalang-alang pa rin ang mga pamantayang pambansa at pampanitikan. Ang pagsanib ng panitikang rehiyunal sa panitikang pambansa ay isang paraan ng pag-aangat sa panitikang rehiyunal. Mahahalintulad ito sa nangyari sa wikang Tagalog, na naging basehan at sentro, nagkaroon ng evolusyon at tinawag na Filipino ang pambansang wika na kumakatawang universal na wika sa Pilipinas. Sa una, nagkaroon ng kalituhan sa pagkilala at sa pagkakaiba ng dalawa. Napapalinaw ito sa pamamagitan ng paglingon sa kasaysayan at kultura ng lipunan sa panahon ng kanyang pagkakatatag. Buhat sa pagkamulat sa kasaysayan at kulturang ito na hindi pa nakaigpaw sa mga mananakop, nararamdaman ang pagkakaroon ng tabinging pagtrato. Ang pagsusulat sa Tagalog ay nahahawig sa pagsusulat sa Filipino, hindi katulad ng ibang vernakular na wika gaya ng Ilokano o Cebuano. Kung maglalagay ng hagdanan paakyat at nasa tuktok ang Filipino, masasabing nasa mas malapit na posisyon na o nauuna ang Tagalog kaysa sa ibang wikang vernakular. Kung kaya’t may degree of closeness ang Tagalog at Filipino, kumpara sa ibang kapatid nitong rehiyunal. Hindi ko gustong burahin o agawin ang panitikang rehiyunal sa mga rehiyon. Ang nais ko lamang ay ang pagbibigay ng pagkakataon sa panitikang rehiyunal sa pagbubukas ng pagbabago sa pamamagitan ng pagkilala nito sa panitikang pambansa. Mananatili ang bisa ng panitikang rehiyunal sa mga rehiyon. Hindi itatapon ang orihinal na akdang wikang vernakular ang ginamit bagkus magkakaroon lamang ng isa pang versyon o mahigit sa isa upang abutin ang kanon. Isang paraan lamang ang ginagawang pagsasalin upang maibahagi sa buong kapuluan ang kulturang umiinog sa bawat rehiyon na kung pagsasama-samahin at kikilatisin, maiisip at madarama ang pagka-Pilipino, sa kabuuan, ang pagka-bansa. Ako, kahit saang sulok mapadpad, kahit dumaan ang maraming panahon at kasaysayan, hindi maaalis sa aking pagkatao ang pagiging Quintinian ko, ang pagiging Ilokano, at sa kabuuan pagiging Pilipino. Identidad – ito ang susi ng kahapon, ngayon at bukas. No ID, No Entry. Islogang madalas makita sa harapan ng pintuan papasok sa isang lugar. Ang identidad ay ang pundasyon ng ating pagkatao na lantad. Pangalan at tirahan ang pinakabumubuong laman ng ID, dahil ito ang pangunahing personal na impormasyon ng bawat isa sa atin. Mula sa ating kapanganakan hanggang sa kasalukuyan, ilang beses na nating nabanggit ang ating basic na identidad at madalas tuwing nagpapakilala. Ang pagbubuo ng bansa ay hindi sa gitna o sentro nag-uumpisa na siyang kapansin-pansin, bagkus sa loob na siyang ugat papalabas. Sa ugat natutuklasan ang identidad, ang tunay na pagkatao kung saan nag-uumpisa ang lahat. # Mga Sanggunian: Lumbera, Bienvenido. Writing the Nation/ Pag-akda ng Bansa. Quezon City: University of the Philippines Press, 2000. Tolentino, Rolando B. Sa Loob at Labas ng Mall Kong Sawi Kaliluha’y Siyang Nangyayaring Hari. Quezon City: University of the Philippines Press, 2001. |