cytheria_07my journey
About this Entry
Posted by: cytheria_07

Original: 1/30/2008 7:01 AM
Views: 76132
Comments: 0
eProps: 0

Read Comments
Post a Comment
Back to Your Xanga Site



Wednesday, January 30, 2008

: Pagsibol, Paglago at Pamumunga ng Panitikang Filipino

 

Introduksyon:

Pagsibol, Paglago at Pamumunga ng Panitikang Filipino

 

Masining, malikhain at makahulugang tala ng saloobin, kaugalian, paniniwala, karanasan at pangyayari sa buhay, komunidad at lipunan, na may iba’t ibang anyo, uri at katangiang yumabong sa mga pinagdaanang panahon at patuloy ang ginintuang pamumunga nang maging yamang mana sa mga pausbong na henerasyon - ito ang Panitikang Filipino.

Sa bawat paglikha ng literatura, maituturing itong obra maestra ng may akda. Masusi at maingat itong isinasalaysay at inilalarawan ang bawat damdamin, katulad ng matinding pag-ibig, pagkalungkot, pagkapoot, pagkatuwa, pagkasiya at iba pang maaaring maramdaman ng isang tao sa kanyang lipunang ginagalawan.

Salamin din ang panitikan sa kulturang gumagana sa isang komunidad. Sa Pilipinas, bawat rehiyon ay mayaman sa tradisyon at kultura. Sa pamamagitan ng panitikan, nakikilala ang imahe ng bawat rehiyon: sa Kordilyera man, sa Hilagang Luzon, sa Pangasinan, sa Pampanga, sa Gitnang Luzon, sa rehiyong Kapital, sa Bicol, sa Silangang Visayas, sa Gitnang Visayas, sa Kanlurang Visayas, o sa Mindanao.  Hitik ito sa kani-kanilang makasaysayang ugat na patuloy na dumaloy at nabuhay sa pamamagitan ng kanilang mga bunga.

May dalawang anyo ang panitikan: ang tula at tuluyan. Ang tula’y pagpapahayag ng manunulat sa pamamagitan ng salitang isinasaayos sa mga taludtod samantalang ang tuluyan ay pagpapahayag ng mga salitang isinasaayos sa mga talata. Kabilang sa tula ang mga liriko o pandamdamin kasama na ang mga awit, korido, soneto, oda, dasal at iba pa. Kabilang naman sa tuluyan ang mga alamat, pabula, dagli, dula, sanaysay, maikling kuwento,  nobela at iba pa (Rubin et al. 2001).

Sumibol ang Panitikang Filipino bago pa man dumating ang mga mananakop. Itinuturing itong matandang panitikang binuo ng iba’t ibang pangkat ng mga tao na minsa’y nanirahan sa Pilipinas; sa mga samahang makarelihiyon at pampulitika ng mga matatandang Pilipino at maging sa mga personal na pagsasamahan at sa mga institusyong sosyal.

May mga ulat tungkol sa mga katutubong Bathalang Pilipino at sa kanilang mga nagawa. Maraming mga awitin o kantahin at berso tungkol sa mga gawaing maka-Diyos upang magsaad ng pagkadeboto; may mga bersong tungkol sa kasaganaan at kaligayahan sa tahanan, sa bukid, sa dagat at kahit saanman at mayroon pang bersong nagsasaad ng pag-ibig at pagkamatapat sa barangay at sa mga namumuno nito (Deveza at Guamen 1979).

Pasalindila ang tawag sa katutubong uri ng panitikan. Ito’y punung-puno ng matatandang kaaralang nagsisilbing gabay ng mga tao noong unang panahon at nasasalamin ang mga magagandang kaugalian, paniniwala o prinsipyo, at ang mga bagay-bagay na may kaugnayan din sa simple at walang pagkukunwari nilang pang-araw-araw na pamumuhay at pagpapahalaga sa kanilang pagkalahi.

Ang mga pasalindilang panitikan ay napapangkat sa mga sumusunod na uri ayon sa anyo ng pagkakalahad ng mga ito: kantahing-bayan, kasabihan, bugtong, salawikain, sawikain, sabi-sabi, palaisipan at mga kuwentong bayan, na naglalarawan ng kanilang katutubong katalinuhan, kaalaman at karanasan at nagsasalaysay ng kanilang mga pinagmulan, buhay ng katutubong bayani, pananampalataya, at iba pa (Arrogante, Ayuyao at Lacanlale 2004).

Nang lumaon, ang dating pasalindila ay naging pasalinsulat na o pasulat. Tinatawag na alibata ang sistema ng pagsulat. Hinalinhan ito ng Alpabetong Romano nang dumating ang Kastila.

Ang panitikan sa panahon ng Kastila ay balot ng tungkol sa pananampalatayang katolisismo. Ang mga paksa’y huwad sa paksang Kastila. Lumaganap ang mga awit, korido, duplo, karagatan, komedya, moro-moro, senakulo at sarsuwela. Sa tuluyan, nandiyan ang mga talambuhay ng mga santo, nobela, dasal at misteryo.

Sanaysay ang naging popular nang panahon ng Propaganda o ang sinasabing panahon ng pagkamulat. Ang mga nangunang propagandista ay sina Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar, Graciano Lopez Jaena, Mariano Ponce at Antonio Luna. Reporma ang mithiin nila na namutawi sa kanilang mga paksang laban sa mga prayle at hindi sa pamahalaan. Taliwas ito sa hangarin ng sumunod na panahon, ang panahon ng Himagsikan, na marubdub na pinakita’t pinadamang nararapat ang pagkamit ng kalayaan sa pamamagitan ng mga sanaysay at pahayagang naging behikulo nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Apolinario Mabini, Jose Palma at Pedro Paterno.

Ang mga moro-moro at senakulo ay unti-unting pinalitan ng mga makabagong dula at sarsuwelang ang paksain ay tungkol sa pamahalaan at kalikasan, at mga sanaysay na personal na ginamitan ng kani-kanilang istilo. Mabilis ang pagdami ng babasahin sa panahon ng Amerikano sa kadahilanang may kalayaan ang mga manunulat sa paghahayag ng kanilang paniniwala at saloobin. Gayunpaman, naimpluwensiyahan ang mga manunulat sa romantisismong pinalaganap ng mga Amerikano. Patungkol sa pag-ibig, katutubong buhay sa mga lalawigan at mga tauhang kahanga-hanga ang pumaloob sa panitikang romantiko.

Maikling katha, tula, dula at nobela ang mga namayagpag sa panahon ng Hapones o panahon ng pamumulaklak ng Panitikang Tagalog, subalit ang mga manunulat at mga kritiko at maging ang mga istoryador ay nagkakaisa sa paniwalang ang mga katha noon ay siyang kanawanawang maituturing na “gintong panahon.” Sinaksihan sa naturang panahon, hindi lamang ang matamis na pagyakap ng mga manunulat sa Ingles at Tagalog, kundi yaon din naman ang panahong nagpataas sa uri ng mga pamumunang  pampanitikan, mga sanaysay at maiikling kuwento (Salazar et al. 1995).

Sa panahong ito, mapapansin ang mga paksang tinalakay ay karaniwang may damdaming makabayan ngunit maingat lamang ang mga manunulat upang hindi mahalata ng mga mananakop. Binigyan-diin ang katutubong kulay, ang uri ng buhay, ang pananalat at ang kadahupan ng pang-araw-araw na buhay.

Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng diwang mapanghimagsik sa makabagong panitikang Filipino. Ang mga bagong manunulat ay mga bagong dugo, lumaki’t nagkaisip sa panahon ng pagkaunlad at kabihasnan, pinaliligiran ng bagong larawan ng daigdig na hindi maawat sa sunud-sunod na pagbabago. Nagdudumilat na ipinahahayag nila ang tunay na larawan ng lipunan.

Dumating ang panahong nagsulputan ang maraming publikasyon, organisasyon, palabas at pelikula. Ang pagkakaroon ng mga daluyang pangkomunikasyon ay nagpapatunay diumano ng kalayaan sa pamamahayag (ng magkakasalungat man na saloobin) at siyang itinuturing na manipestasyon ng ‘democratic space’ ng administrasyon (Rubin et al. 2001).

 Namunga ng mga makabagong kaisipan ang kontemporaryong panitikan. Ang posisyon ng mga manunulat  ay kumakatawan hindi sa isang bulag na pesimismo kundi sa isang pagtingin sa lipunang hinubdan ng mga pagkukunwari. Ang iba’t ibang paglalarawan ng panitikan sa realidad ang unang hakbang upang mabago ang umiiral na kalagayan sa lipunan (Chua et al. 1999).

Patuloy ang pamumunga ng Panitikang Filipino sa pamamagitan ng mga makabagong manunulat na may paninindigan at pagpapahalaga sa ugat: sa kasaysayan, kultura at lipunan. Mayabong itong nabubuhay sa patabang kaalaman at kamalayan, patubig ng limbagan at midya at paaraw sa modernisasyon at globalisasyon.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

UNANG BAHAGI:

UGAT (PUNDASYON NG PANITIKANG FILIPINO)

 

Payak ang katutubong panitikan. Ito ay karaniwang hango sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga sinaunang Pilipino.  Ayon kay Lumbera (1997):

   As literary works created in the setting of a society where the resources for economic subsistence – land, water and forest – were communally owned, the oral literature of the precolonial Filipinos bore the marks of the community. The subject matter was invariably the common experience of the people constituting a village – food-gathering, creatures and objects of nature, work in the home, field, forest or sea, caring for children, etc.

Ang panahon ng katutubo ay kinabibilangan ng mga kuwentong-bayan at kantahing-bayan na naglalarawan sa kanilang kinagisnang tradisyon at expresibong nilulunsad ang kanilang mga paniniwala, kaugalian at emosyon. Sa kabuuan, dumadaloy ang panitikan sa kanilang kultura.

 

I.         Kuwentong-bayan

 

Batay sa aklat ni Dr. Damiana Eugenio (1982) na pinamagatang Philippine Folk Literature: An Anthology, pinangkat niya sa tatlo ang mga kuwentong-bayan (folk narratives):

A.     Mito (myth)

Mito ang mga tuluyang pagsasalaysay na itinuturing na totoong naganap sa lipunang iyon noong mga panahong nagdaan. Pinaniniwalaan ito sapagkat tinuruan silang ito’y paniwalaan. Nasa mito ang dogma at karaniwang itinuturing na sagrado. Karaniwang kaugnay ito ng teolohiya at ritwal. Ito ang naglalahad ng ibang daigdig tulad ng langit at ilalim ng lupa. Kinapapalooban ito ng simula ng daigdig, ng tao, ng kamatayan, ng mga katangian ng mga hayop, o pisikal na kaanyuan ng lupa. Maaari rin itong kuwentong tungkol sa mga diyos at diyosa (Rubin et al. 2001).

May iba’t ibang mito ang bawat rehiyon. Sa Bikol, may bersiyon sila sa pagkakalikha ng daigdig na kung paano nagsimulang magkaroon ng buwan, araw, bituin at ang pagkakaroon ng sangkatauhan sa mundo. Kung paano nagkaroon ng mga anak ang mag-asawang Balitok at Bugan, ang mito mula sa Ifugao. Isinasagawa ang mitong ito ng isang mumbaki (katutubong pari ng Ifugao) tuwing may seremonya ng mga mag-asawang nagnanais magkaroon ng anak (Lumbera 2001).

 

B.     Alamat (legend)

Ang alamat ay mga kuwentong-bayan na maaaring kathang isip lamang o hango sa isang tunay na pangyayari. Maaaring pinagmulan ng isang pook, ng isang halaman o punong kahoy, ng ibon, ng bulaklak at kung anu-ano pang mga bagay. Maaari ring tungkol sa mga pangayayaring di-kapani-paniwala, kaya’y tungkol sa mga bagay-bagay tulad ng pagkakabuo ng isang pangalan (Arrogante, Ayuyao at Lacanlale 2004).

Halimbawa ng mga alamat ay ang Alamat ng Isda (Ibaloy), ng Hundred Islands (Pangasinan), ng Arayat (Pampanga), ng Ilang-ilang (Tagalog) at marami pang iba na mula sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas.

 

C.    Salaysayin (folktales)

Ang mga salaysayin ay maaaring pabula, kuwentong engkantado, mga kuwentong panlinlang, katusuhan, kapilyuhan at iba pa. Kabilang dito ang iba’t ibang kuwento tungkol kay Juan. Hindi lahat ng kuwento tungkol kay Juan ay ang katamaran, may iba’t ibang Juan sa mga salaysayin sa iba’t ibang pook. Kung palabasa ng mga kuwentong-bayan ng taga-ibang bansa, mapapansing ang mga kuwentong Juan ay nakakatulad ng mga kuwentong Indones o Malayo. Isa na rito ang tungkol sa pagtatago ni Juan ng asin sa tubig (Rubin et al. 2001).

 

 

II.       Kantahing-bayan at Karunungang-bayan

 

Kantahing-bayan ang katawagang iniaangkop sa lahat ng uri ng mga popular na katutubong awitin. Nilikha itong patula, may sukat at may tugma. Ito’y walang ipinag-iba sa mga katutubong tula maliban sa ito’y nilapatan ng himig o melodya upang mailahad nang pakanta.

Panghabang panahon ang mga kantahing-bayan dahil dito nakatitik ang larawan ng mga tunay na damdamin, kaugalian, saloobin, Gawain at pilosopiya o mga pinaniniwalaan sa buhay ng isang katutubong bansa o isang katutubong lahi noong mga unang panahon. Katulad ng “Magtanim Ay Di Biro” ng Katagalugan, ng “Ano Dao Idtong Sa Gogon” ng Kabikulan, ng “Ay, Ay, Kalisud” ng Kabisayaan, at iba pang magpahanggang ngayon ay inaawit pa ng balana sa kani-kanilang kinagisnang katutubong lalawigan (Arrogante, Ayuyao at Lacanlale 2004).

Ayon kay Eugenio (1982), ang kantahing-bayan ay mauuri sa dalawang pangkat ayon sa pagkakalahad nito:

A.     Kantahing nagsasalaysay

Isang uri ng kantahing-bayang nagsasalaysay ay ang epiko. Ito ay isang mahabang tulang-buhay o tulang pasalaysay na nagpapakilala ng pakikipagsapalaran ng mga tauhang may pambihirang lakas o kapangyarihan; o isang masalimuot na pangyayari sa buhay ng isang karaniwang tao o katutubong bayani; o maaari ring kaugnay ng kabutihan, materyal at ispiritwal na kalagayan ng mga tribu at katutubo (Rubin et al. 2001).

“Lam-ang” ng Iloko, “Ibalon” ng Bikol, “Hudhud hi Aliguyon” ng Ifugao, “Ullalim” ng Kalinga, “Labaw Donggon” ng Hiligaynon, “Tuwaang” ng Bagobo, “Darangan: Bantugan” ng Maranao, ay ilan lamang sa mga epikong kilala sa mga lalawigan at sa buong kapuluan.

 

 

B.     Kantahing di-gaanong nagsasalaysay

Ang mga uri ng kantahing-bayang nasasalig sa pangkat na ito ay ayon na rin sa mga inuring awiting bayan noong unang panahon ni Epifanio de los Santos Cristobal. Pawang maiikli at karaniwang naglalarawan ng mga pang-araw-araw na okasyon at okupasyon sa pamumuhay ang mga ito (Arrogante, Ayuyao at Lacanlale 2004).

Gaya ng mga sumusunod:

1.      Hele o Oyayi – mga awiting pampatulog ng bata.

Ilang linya ng oyayi ng mga Ilokano na kung tawagin nila’y Duayya:

                     Ilokano                  

                   Salin

Ubing maturogcan

Ta ni nanangmo mapan diay adayo,

Balunanna ni tatangmo

Adda idiay taltalon.

Ubing agsingsinpetca

Itultulodnaca ni Apongmo

A mangduduayya.

 

Tulog na anak

At ang nanay mo’y pupunta

Doon sa malayo,

Maghahatid ng baon

Sa tatay mo sa tumana.

Anak magpakabait ka

Iuugoy ka ng lola mo

At ipaghehele pa.

 

2.      Talindaw o Soliranin – mga awit sa paggawa.

Awit habang nagpapaligo ng bata:

           Bikol (Albay)

                 Salin

Nonoy, tukaw sa gapo.

Nonoy, tukaw sa gapo.

Ta iludan ko an likod mo.

Ang ati mo Nonoy ko

Masupog sa mga tawo, Ay!

Anak, upo ka sa bato.

Anak, upo ka sa bato.

At hihiluran ko ang likod mo.

Ang libag mo anak ko

Nakakahiya sa mga tao, Ay!

3.      Kundiman – awit ng pag-ibig.

Halimbawa:                                 

Kundiman

Mula nang lasapin sinta

Ang langit ng pag-ibig

Ang puso kong yari’y hinding

Hindi na natahimik

Maging sa araw at gabi ay naliligalig.

Laging ginugulo ng ganda mo’t dikit.

 

        (Arrogante, Ayuyao at Lacanlale 2004)

 

4.      Diona – awit sa pagkasal.

Umawit tayo at ipagdiwang

An dalawang pusong ngayo’y ikakasal

Sa daraanan nilang landas

Sabugan natin ng bigas.

                          (Deveza at Guamen 1979)

Halimbawa:

 

 

 

 

 

 

5.      Kumintang –  malungkot na awiting may temang tungkol sa pag-ibig at karaniwang inaawit ng mga mandirigma.

Ang nuno nating lahat

Sa kulog di nasindak

Sa labanan, di naawat,

Pinuhunan buhay hirap

Upang tayong mga anak

Mabuhay nang mapanatag.

 

Itong ating kabukiran

Sampung bahay at tahanan

Ibig nilang kuning tunay

Maagaw sa ating kamay,

Tayo baga’y naaasal

Bagong buhay, tila patay.

                     (Deveza at Guamen 1979)

                        Halimbawa:

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

                       

      Kung ang mga kantahing-bayan ay may kahabaan, ang karunungang-bayan ay kalimitang maiksi lamang. Binubuo ito ng mga bugtong at palaisipan, salawikain at kasabihan (Rubin et al. 2001).

A.     Bugtong at palaisipan

      Binubuo ang mga ito ng mga parirala o pangungusap na patula at patalinghaga na hango sa mga bagay na nakikita araw-araw ng mga ninuno sa kanilang kapaligiran na may malaking kaugnayan sa kanilang buhay.

      Sa Pangasinan:                                    Salin:

            No akayorong atagey,                               Matangkad pag nakaupo,

            Abeba no akaalagey.                                Maliit pag nakatayo.             (aso)

Sa Kanlurang Visayas:                                     Salin:

            Saya ni Santa Maria                                  Saya ni Santa Maria

            Sari-sari ang duag niya.                             Kulay niya’y iba-iba.   (Balangao/ bahaghari)

                                                                                                                             (Lumbera 2001)

B.     Salawikain at Kasabihan

      Nagpapahayag ng aral at nagiging batayan ng magandang pag-uugali ang mga salawikain samantalang ang kasabihan ay sumasalamin sa mentalidad ng sambayanan at karaniwang ginagamit sa mga bata.

Mga salawikain:

      Ang dila ng tao ay tatatlong dali,

      Ngunit pinapatay kahit isang hari. (Tausug)

 

      Ang pinakamahirap gawin

      Iyong walang gagawin. (Ivatan)

Mga kasabihan:

      (Ang mga nagbibinata’t nagdadalaga’y inaabot ng panunukso.)

      Tiririt ng maya

      Tiririt ng ibon,

      Ibig mag-asawa

      Walang ipalamon.

      Tiririt ng maya

      Tiririt ng ibon,

      Lingun nang lingon

      Asawa ang habol.

      May dumi sa ulo

      Ikakasal sa Linggo.

      (Rubin et al. 2001)

 

IKALAWANG BAHAGI:

MGA TANGKAY AT KANI-KANILANG DAHON (MODIFIKASYON NG PANITIKAN)

 

Mahigit sa 300 taong namalagi at lumaganap ang Panitikang Filipino sa Kastila. Sa tagal ng kanilang pananakop (1565 – 1872), nabahiran ito ng iba’t ibang pagbabago – sa pamamahala ng bansa, sa wika at sa paksaing pampanitikan.

 

Pamamahala ng Kastila

Pagkatapos pangalanang “Pilipinas” ang kapuluan bilang pagpaparangal kay Haring Felipe II ng Espanya, ang dating mga barangay ay pinalitan ng isang Gobernador-Heneral na siyang kinatawan ng Hari ng Espanya sa Pilipinas. Madalas magkaroon ng pagbabago sa pamahalaan batay sa kung sino ang namamahala sa Espanya.

Maliban sa pagpapairal ng monarkiyang Kastila, gumana rin ang sistemang pyudal, ang pag-uuri sa mga Pilipino base sa kani-kanilang pook na pinanggalingan. Ayon kay Lumbera (1997):

… a distinction would be made between those Filipinos who settled where they were within easy reach of the power of the Church and State in pueblos (taga-bayan), and those who kept their distance from colonial administrators and theirnative agents, staying close to their livelihood in the mountains or the hinterlands (taga-bukid, taga-bundok). The distinction went beyond indicating mere geographic origins and took on overtones of cultural snobbery as the effect of colonization seeped deeper into the consciousness of lowland Filipinos.

 

      Napangkat sa dalawa ang Pilipino: ang taga-bayan na nasa urban o galing sa sentro at tinuturing na sibilisado at lehitimong Pilipino , at ang taga-bukid o taga-bundok na malayo sa impluwensiya ng mananakop at tinuturing na mangmang. Ngunit para sa mga Kastila, ang tinuturing nilang tunay na Pilipino ay ang mga Kastilang ipinanganak sa Pilipinas at ang Pilipinong may lahing katutubo ay binansagang “Indian” o indio.

      Malaki ang ginagampanan ng sanib puwersang Simbahan at Estado sa kanilang patakarang kolonyal. Dahil sa ang mga prayle ang may direktang ugnayan sa mga Pilipino, sila ang naging representasyon ng kapangyarihan ng Kastila. Nagkaroon sila ng higit na kapangyarihan sa pamamahala, ang pamumuno sa mga simbahan at edukasyon ng mga bata na nagsisimulang magsipag-aral sa mga kumbento, na kanilang inabuso dahil sa hindi sila napapalitan.

 

Bitbit ng kanilang pamamahala ang pangunahing layunin – ang pagpapalaganap ng pananampalatayang Kristiyanismo o Katolisismo. Kaugnay nito, ang edukasyong ibinigay sa mga Pilipino’y balot ng mga araling panrelihiyon. Unti- unti nilang pinalitan ang dating pananampalatayang pagano. Ang dating Alibata ay hinalinhan nito ng Alpabetong Romano. Upang ang mga Pilipino’y madaling matuto ng bagong Abakadang Romano, ang mga misyonero na ang nagsipag-aral ng iba’t ibang wikain sa Pilipinas (Salazar et al. 1995).

 

Wika at  Paksaing Pampanitikan

Sa kanilang panahon, hindi lamang mga Kastilang kalinangan, mga kasuotan, libro at iba pa ang ipinasok sa bansa, kundi maging ang kanilang wika, ang paggamit ng isang bagong wika – ang Kastila.

Upang mapalawig ang Kristiyanismo, inipon at isinagawa ng mga misyonero o prayle ang mga unang gramatika at bokabularyo sa iba’t ibang wikain.

Si Dr. Eufronio M. Alip, isang mananalaysay at edukador na Pilipino ay nagsabing ang limbagan ng Pamantasan ng Santo Tomas ay nakalimbag noong bago dumating ang 1800 ng mga limang daang iba’t ibang pamagat, na ang pinakamakasaysayan ay ang Doctrina Cristiana Tagala Espanola ni Pari Domingo de Nieva O.P. (1593), at ang Memorial dela Vida Cristiana en Lengua China (1606). Karamihan sa mga nalimbag noong mga panahong iyon ay patungkol sa relihiyon at wika tulad ng buhay ng mga santo at santa, mga dasal, sermon, aklat tungkol sa wika at diksyonaryo (Deveza at Guamen 1979).

 

I.         Panitikang Pansimbahan at Mga Awit at Korido

 

Sa pagpapalaganap ng relihiyon, binigyang-pansin ang kagandahang-asal, ang panitikang pansimbahan, gaya ng mga dalit, nobena at akdang pangmagandang-asal.

 

A.     Dalit

Iba’t ibang santo’t santa ang pinagdadalitaan. May dalit kay Maria na nagging kaugalian na sa mga lalawigan ng Bulacan, Nueva Ecija, Rizal, Laguna, Cavite, Quezon, Marinduque at Mindoro. Ginaganap ito tuwing Mayo. Nag-aalay ng mga bulaklak ang mga bata habang dinadalit ang pagpupuri sa Mahal na Birhen (Rubin et al. 2001).

 

B.     Nobena

Ito’y mga katipunan ng mga panalangin na kailangang ganapin sa loob ng 9 na araw, maaaring sunud-sunod na araw o tuwing Martes (halimbawa ng isang araw sa loob ng isang lingo). Batay na ito sa santo’t santa ng namimintakasi.

 

C.    Akdang Pangmagandang-asal

Kasama sa akdang nauukol sa kagandahang-asal ang akda ni Padre Modesto de Castro na Urbana at Feliza. Ito’y pagsusulatan ng magkapatid na Urbana, na nasa Maynila at Feliza, na pinapayuhan ng nauna.

 

Isang anyong pampanitikan na masalimuot na hinabi sa tela ng kulturang Pilipino ay ang awit at kurido (Corrido).

Ang mga Tagalog na sumulat ng isang uri ng tula na binubuo ng walong pantig ang bawat taludtod ay tinatawag na kurido.

Corridos were widely read during the Spanish period that filled the populace’s need for entertaining as well as edifying reading matter in their leisure moments. These are extended verse narrative based on tales brought into the country from Europe (Lacia et al. 2003).

 

Samantalang, ang awit ay maikli ang pagkakayari at binubuo ng labindalawang pantig ang bawat taludtud. Ang mga buhay na nasasaad sa mga kuwento ay inaawit sa saliw ng gitara ng mga manlalakbay upang lalong maging kaakit-akit at masaya. Sa mga awit na nasulat noon, ang Florante at Laura ang pinakatanyag at sa mga kurido, ang Ibong Adarna ang naging tampok.  (Deveza at Guamen 1979).

 

Ilang linya ng Florante at Laura:                             at ng Ibong Adarna:

Ang taong magawi sa ligaya’t aliw,                              May isang ibong maganda

Mahina ang puso’t lubhang maramdamin,                  ang pangalan ay Adarna

Inaakala pa lamang ang hilahil                                   pag narinig mong kumanta

Na daratna’y din a matutuhang bathin.                      Sa sakit ay giginhawa.

(Lacia et al. 2003)

II. Panitikan sa Kilusang Propaganda at Himagsikan

 

Sina Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar, Graciano Lopez Jaena, Mariano Ponce at Antonio Luna ng panahon ng pagkamulat (1872 – 1896), na intelektuwal  sa gitnang-uri, ang bumubuo sa pangunahing repormista at propagandista na naglalayon ng pagbabago.

Ang mga tanyag na nobela ni Jose Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay tuwirang naglalahad ng sakit ng lipunan, maling pamamalakad ng pamahalaan at simbahan, depekto ng edukasyon sa Kapuluan, paniniil ng mga mapagsamantala at pagnanasang pakinggan ng mga maykapangyarihan ang hinaing ng bayan.

Sa pahayagan naman si Marcelo H. del Pilar, kung saan siya ang nagtatag ng Diyaryong Tagalog, isang pahayagang pampulitiko na pinaglathalaan niya at ng mga kasamahang manunulat ng mga akdang pambayan, ng mga hinaing ng naaapi at ng mga pagtuligsa sa pamahalaan at simbahan.

Isa pang makabayang si Graciano Lopez Jaena na sa pamamagitan ng kanyang panitik, nilantad ang pang-aabuso sa kapangyarihan sa pamahalaan, partikular sa sa pagmamalabis ng mga prayle sa kanyang akdang Fray Botod.

Itinampok ni Mariano Ponce ang sariling bayan sa kanyang katipunan ng mga alamat at kuwentong-bayan ng Bulacan na pinamagatang Mga Alamat ng Bulakan at isang dulang Tagalog na may pamagat na Pagpugot kay Longino. Sa kanyang mga akda, ang tuon niya ay ang kahalagahan ng edukasyon, ang pagtatanggol sa kababayan at ang pagtataguyod sa sariling bayan.

At si Antonio Luna na mahilig magsulat ng awtobayograpikal, ay namumutawi ang kanyang pagka-Pilipino sa kanyang mga likha na tungkol sa kaugalian ng mga Pilipino at maging ang pagtuligsa sa pamamalakad ng mga Kastila. Ilan sa mga akda ni Luna: Noche Buena, La Tertulia Pilipina (Ang Piging na Filipino), La Maestra de Mi Pueblo, Todo Por El Estomago at Impresiones.

Kung ang mithiin ng mga propagandista ay reporma, ang mga rebolusyunaryo nama’y lubusang pagbabago – ang paghahangad ng kalayaan sa panahon ng himagsikan (1896 – 1900).

Ang mga manunulat sa panahong ito’y sina Andres Bonifacio, ang siyang ama ng Katipunan at Emilio Jacinto, ang siyang utak ng Katipunan.

Si Bonifacio ang isa sa trilohiya nina Flores at del Pilar. Siya ang sumulat ng ikatlong tula, “Katapusang Hibik ng Pilipinas.”

 

Ilang linya ng Katapusang Hibik ng Pilipinas:

 

… wala nang pamana itong Pilipinas

Na layaw sa Ina kundi pawing hirap;

Tiis ay pasulong, patente’y nagkalat,

Rekargo’t impuwesto’y nagsala-salabat.

 

Sari-saring silo sa ami’y inisip,

Kasabay ng utos na tuparing pilit,

May sa alumbrado, kaya kaming tikis,

Kahit isang ilaw ay walang masilip…

(Rubin et al. 2001)

 

“Liwanag at Dilim” ang kilalang akda ni Jacinto na isang katipunan ng mga sanaysay na busog sa makatas na kurukuro. Kinapapalooban ito ng tungkol sa karapatan, kalayaan, pagpapantay-pantay, paggawa, paniniwala, pamahalaan at pag-ibig sa bayan.

Sa panahong ito, mas naging mabisang behikulo sa pagpapabatid sa mga tao ng mga tunay na pangyayari sa kapaligiran ang mga sanaysay at pahayagang katulad ng:

1.      Kalayaan – ang pamansag ng Katipunan.

2.      Diario de Manila – ang pantulong ng Kalayaan.

3.      El Heraldo de la Revolucion – nang lumaon, naging Heraldo Filipino hanggang sa naging Indice Official at Gaceta de Filipinas.

4.      La Independencia

5.      La Republika Filipina

6.      Ang Bayang Kahapis-hapis

7.      Ang Kaibigan ng Bayan

8.      Ang Kalayaan

 

Mapapansing tahimik ang sektor ng kababaihang manunulat sa mga panahong ito. May mga nasulat na ngunit hindi nalimbag dahil sa hindi nakapasa sa mga pamantayan ng Kastila. Ito’y sa dahilang hindi sapat ang kanilang kaalaman sa kanilang limitadong edukasyon sa patriarkal na sistema ng lipunan.

 Bagamat hindi makita sa limbagan, nagpatuloy ang pagsusulat ng mga kababaihan at ng tungkol sa kanila. Nagkaroon ng pagbabago nang inilabas ang Urbana at Feliza ni Padre Modesto de Castro na tungkol sa dalawang magkapatid, na pinalaganap bilang isang ekspresyon ng mga kababaihan. At nang lumaon, nakalusot ang mga tulang ginawa ng mga kababaihan. Si Leona Florentino, isang makatang Ilokano na nagsulat ng mga patungkol sa buhay may-asawa. Isang tula niya ay pinamagatang “Sabali a Pannacakeltay ti Namnama.” At maging si Gregoria de Jesus sa kanyang “Magmula, Giliw, Nang Ikaw ay Pumanaw” na para sa kanyang nasawing asawa ay tulang naglalarawan sa kanyang kalungkutan.

 

 

III.      Romantisismong Panitikan

                  

Pagkatapos ang panandaliang kalayaan mula sa isang mananakop, dumating naman ang panibagong maghahari. Sa makatuwid, nagpalit lamang sila, mula sa isang panginoon (Kastila) patungo sa ibang panginoon (Amerikano). 

Sinimulan ng mga Amerikano ang kanilang paghahari sa pamamagitan ng paglapat nila sa Batas ng Sedisyon noong 1901. Sa ilalim ng batas na ito, kinontrol ang mga kamay ng mga manunulat sa pagpapaalab sa damdaming makabayan. Ipinagbawal ang pagsusulat laban sa pamahalaang Amerikano. Ipinagtibay din ang Batas ng Watawat noong 1907 na nagbabawal ng pagtatanghal ng bandilang Pilipino upang mapigil ang mabilis na paglaganap ng nasyonalismong Pilipino.

Ngunit sa lahat ng paghihigpit, lalong nagpumiglas ang mga Pilipino. Ang kanilang mga akda ay nagsasaad ng damdaming makabayan – sa pahayagan, sa lathalain, kuwento, sanaysay at sa lahat ng sangay ng panitikan, kababaanagan ng pag-ibig sa bayan, mg pangarap sa kasarinlan ng bansang Pilipinas at ang pagtutol sa kolonyalismo. Sa katunayan, nabigyan ng pagkakataon ang mga manunulat na kumawala sa dating paraan ng pagsulat – ang pagpuri’t pagbibigay-karangalan sa relihiyong Kristiyanismo.  

Nagkaroon ng kalayaan sa paglimbag kung kaya’t umunlad ito. Sa buong kapuluan, dumami ang mga pahayagan at magasin gamit ang mga rehiyonal na wika. Ilang halimbawa ay: Muling Pagsilang (1903, Tagalog) Ang Kaluwasan (1902, Cebuano), Makinaugalingon (1913, Ilongo) at Nueva Era (1908, Iloko). Kabilang sa mga pinakakilalang magasin para sa mga maikling kwento at tula ay ang Liwayway (1922, Tagalog), Bisaya (1930, Cebuano), Hiligaynon (1934, Ilongo) at Bannawag (1934, Iloko). Sa likod ng mga lokal na kontribusyon sa panitikang Filipino ay ang mga manunulat sa naturang panahon katulad nina Magdalena Jalandoni (nobelista at makata), Angel Magahum (nobelista at dramatista) at Ramon Muzones (nobelista) sa mga panulat na Hiligaynon; sa Cebuano, Sulpicio Ossorio (nobelista), Tomas Hermosisima (nobelista), Vicente Ranudo (makata), Marcel Navarra (manunulat ng maikling kuwento) at Piux Kabahar (dramatista) at sa panitikang Iloko nama’y sina Mena Pecson Crisologo (nobelista at dramatista) at Leon Pichay (makata).

Ngunit naging malahiganteng sagka sa malayang pagsibol ng mga kaangkinang katutubo sa halos lahat ng larangan ng buhay-Pilipino, lalung-lalo na sa panitikan ang malawakang  pagtuturo at pagpapagamit ng mga Amerikano ng wikang Ingles sa pamamagitan ng mga malalaganap nilang paaralang publiko. Naimpluwensiyahan ang mga musmos na isip kina Jack and Jill, Little Miss Muffet, Mother Goose at iba pang kaisipan at karanasang pinabatid ng mga manunulat ng Amerika at Europa. 

Unang sinubukang sulatin sa Ingles ang tula na pinangunahan ni Jose Garcia Villa (1906-1997). Sa maikling kuwento nama’y andiyan sina Arturo B. Rotor (1907-1988) at Manuel E. Arguilla (1910 – 1944). At maging sa nobela, si Juan C. Laya (1911 – 1952) na may bahid ng kakintalang dayuhan.

Ang ilan sa mga mananaysay sa wikang Ingles ay sina F. M. Africa, Francisco Benitez, Jorge Bocobo, Amador Daguio, Leandro Fernandez, Zoilo M. Galang, Fernando M. Guerrero, Maxim Kalaw, Pedro de la Llana; I. V. Mallari, Ignacio Manlapaz, Fernando Maramag, Camilo Osias, Claro M. Recto, Carlos P. Romulo at EulogioB. Rodriquez (Salazar et al. 1995).

Sa tula nama’y andiyan sina Angela Manalang Gloria, Procopio Solidum, Marcelo de Gracia Conception, Zulueta de Costa at N. V.M. Gonzales.

Gayunpaman, hindi naisantabi ang pagsusulat ng Tagalog. Sa katunayan, ginawa itong wikang pambansa. Kabilang sa mga manunulat na nagtaguyod ng Tagalog sina Jose Corazon de Jesus (1896-1932), Lope K. Santos (1879-1963), Benigno Ramos, Florentino Collantes (1896-1951), Julian Cruz Balmaceda (1885-1947) at Pedro Gatmaitan (1889 -  ) bilang mga makata. Sina Inigo Ed Regalado (1855-1896), Valeriano Hernandez Pena (1858-1922) at Faustino Aguilar, Rosauro Almario, Juan Rivera Lazaro at Rosalia Aguinaldo at maging si Lope K. Santos ay mga nobelistang Tagalog. At sa dula, kabilang sina Severino Reyes (1861-1942), Hermogenes Ilagan (1873), Patricio Mariano (1877-1935), Pascual Poblete (1858-1921), Juan K. Abad, Jose Ma. Rivera at iba pa.

      Kung Kristiyanismo ang ginamit ng mga Kastila sa pananakop, sa panahon ng mga Amerikano (1900 – 1941), romantisismo naman ang kanilang pang-akit na lubhang emosyonal, labis ang pagkamoralistiko, dumadakila sa kagandahan at kapangyarihan ng kalikasan at bumabandila ng tungkol sa kalayaang sarili.

Sa katunayan, hindi naging mahirap sa mga Amerikano ang pagpapangibabaw ng romantisismo sa panitikang Filipino sapagkat ito’y napasimulan na ng mga Kastila. Ito’y makikita sa mga akdang tumatalakay sa paksang pag-ibig, mga korido at awit na ang pinapaksa’y ang buhay-buhay ng mga prinsesa at prinsipe na pawang kinababakasan ng pananaw na feudal.

Gayunpaman, hindi lubusan ang pagtanggap ng mga manunulat na Pilipino sa romantisismong banyaga. Sinasalat lang nila ang mga pwedeng ihalong ‘hiram’ sa pansariling elemento na angkop lamang sa kulturang Pilipino.

Bakas sa ganitong kalakaran ng paksa ang mga kuwento sa Mga Kuwentong Ginto: Katipunan ng Pinakamahusay na Katha Mula sa 1925 – 1935, na tinipon nina Clodualdo del Mundo at Alejandro Abadilla.

Sa isang lahatang pagsusuri ng mga dagli at maikling salaysay na nasulat ay masasalamin ang uri ng panahong umiral. Namalasak ang tungkol sa kagandahang-asal, ang kahinhinan at kayumian ng babaing Pilipina, ang kanyang pagiging kayumangging kaligatan, ang kadalisayan ng kanyang kaisa-isang pag-ibig, ang matamis na pagsasamahan at pagpapalagayan ng magkakaibigan at magkakapitbahay, ang kabanalan ng mga sumpang binitiwan, ang paggalang sa mga matatanda at ang pag-alinsunod sa mga kaugalian at tradisyon ng bayan. Kadalasa’y nagtataglay ng mga banghay na ang tinatalakay ay ang pagpipingkian ng dalawang lakas, ang masama at mabuti na ang laging ang namamayani ay ang mabuti. Sa pamagat pa lang lantad na ang paksain, tulad ng Sumpain Nawa ang mga Gintong Ngipin ni Lope K. Santos, Bagong Hudas ni Pedro Antonio at kay Gonzalo Malay ang Inayawang Pag-ibig.

 

 

 

IV.   Makabayang Panitikan

 

Itinuturing na “Gintong Panahon” ng maikling kuwento at ng dulang Tagalog ang panahon ng Hapones (1942-1945). Dahil sa ipinagbawal ng mga mananakop na Hapones ang paggamit sa wikang Ingles, kaya’t ang nagtamasa nito ay ang panitikang Pilipino sa wikang Tagalog. Nabigyang sigla ang Pambansang Wika.

Damdaming makabayan ang mapapansing paksa sa mga nasulat nang panahon ng Hapones. Nabigyan ng diin ng mga manunulat ang katutubong kulay, ang uri ng buhay ng panahong iyon, ang pananalat at ang kadahupan ng pang-araw-araw na buhay (Rubin et al. 2001).

Umunlad ang panitikang Pilipino. Ang mga dating sumusulat sa Ingles ay bumaling sa pagsulat ng Tagalog.  Nagsalin din sila ng mga akdang Ingles sa Tagalog, lalung-lalo na sa mga dula. Kabilang sa mahusay sumulat sa Ingles at Tagalog si Juan C. Laya.

Pinakamaunlad na maituturing ang sangay ng maikling kuwento sa lahat ng sangay ng panitikan sa panahong ito. Sa pamamahala ng Surian ng Wikang Pambansa, pinili ang itinuturing na pinakamahusay na maikling kuwento at nanguna ang Lupang Tinubuan ni Narciso G. Reyes, Uhaw na Lupa ni Liwayway Arceo-Bautista at Lunsod, Nayon at Dagat-Dagatan ni N.V.M. Gonzales. Isinaaklat ang mga itinuturing na pinakamahusay na kathang Pilipino ng 1943 na pinamagatang “25 Pinakamabubuting Kathang Pilipino ng 1943.”

Namalasak ang isang uri ng tula – ang haiku na binubuo ng 17 pantig na nahahati sa tatlong taludtod na may matayog na kaisipan.

Halimbawa ng Haiku:

Tutubi

      Hila mo’y tabak…

      Ang bulaklak, nanginig!

      Sa paglapit mo.

                                                     - Gonzalo K. Flores

     Liwayway, Hunyo 5, 1943

 

Binuhay naman ng makatang si Ildefonso Santos ang tulang tanaga na may pitong pantig sa bawat taludtod.

Halimbawa nito:

Palay

      Palay siyang matino

      Nang humangi’y yumuko,

      Ngunit muling tumayo;

      Nagkabunga ng ginto.

-          Ildefonso Santos

Liwayway, Abril 10, 1943

 Mula sa pagtigil sa pagpepelikula dahil sa giyera patungo sa dula. Natatag ang Dramatic Philippines ni Francisco Sycip at kabilang dito sina Narciso Pimentel, Francisco Rodrigo, Albert Canio at iba pa. Kabilang sa mga dulang sinulat ni Julian Cruz Balmaceda ang “Sino ba Kayo,” “Dahil sa Anak,” “Ang Palabas ni Suwan,” “Higanti ng Patay” at “Libingan ng Bayan.” Karaniwang pawang katatawanan ang mga ito upang makatulong sa kahit sandaling paglimot sa kalungkutan ng mga tao.

1943 ng Enero, si Juan Feleo, katulong si Alex Sunga, ay naglunsad ng grupong pangkultura na nagpapalabas ng iba’t ibang pagtatanghal sa kanayunan. Nueva Ecija Cultural and Dramatic Association (NECDA) ang tawag sa grupo na ang mga tinatanghal ay ukol sa kasaysayan ng Pilipinas at pagngangailangan sa pakikipaglaban.

Ang kauna-unahang dulang pinalabas ay ang Malayang Pilipinas na tungkol sa tatlong magkakapatid ayon kay Cesario Torres. Pinapaksa nito ang pakikiisa sa pakikibaka, sa halip na maging palahintay o kaya’y makipagtulungan sa kaaway.

Sumulat din si Antonio G. Canlas Arenas, Arayat, Pampanga, ng dula sa wikang Kapampangan na pinamagatang E Magbabo eng Diwacan (Hindi Mangingibabaw ang Kasamaan). Ang tema nito’y tungkol sa kalupitan ng mga Hapon, ang dahilan ng pakikiisa ng sambayanan sa HUKBALAHAP at ang pangingibabaw ng Kabutihan sa kasamaan.

Kung noong panahon ng Amerikano, lumaganap ang mga limbagan at mga babasahin, kabaliktaran sa panahon ng Hapon. Dahil sa kahirapan ng buhay, halos walang magamit na papel ang mga manlilimbag. Kaya’t lalong hindi namulaklak ang pagsulat ng nobela.

Ilan sa mga nobelang lumabas sa panahong ito at nasulat sa sariling wika ay ang mga sumusunod: Sa Lundo ng Pangarap ni Gervacio Santiago, Pamela ni Adriano Laudico at A.E. Litiaco, Tatlong Maria ni Jose Esperanza Cruz, Zenaida ni Adriano Laudico, Magandang Silangan ni Gervacio Santiago at Lumubog ang Bituin ni Isidra Zarraga-Castillo (Rubin et al. 2001).

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

IKATLONG BAHAGI:

MGA PRUTAS (MODERNISASYON NG PANITIKANG FILIPINO)

 

Nangawasak na mga gusali, mga paaralan, mga lansangang-bayan, mga tulay; maging sa iba’t ibang industriya – sa pagsasaka, paghahayupan, pag-aasukal at iba pa at sa pagbabangko at mga kauri nitong kaugnay ng pananalapi ay pawang nadaanan ng matinding bagyo. Naiwang nakatiwangwang, di-mahihinagap na kapinsalaan sa buong kapuluan, yan ang hinarap ng sambayanan pagkatapos naganap ang digmaan.

Hindi nawala ang impluwensiya ng Amerikano dahil sa sila ang tumulong sa sitwasyong ito ng Pilipinas ngunit may inaasahang kapalit, ang pagbago sa Saligang Batas ng Pilipinas upang ang mga mamamayang Amerikano ay mabigyan ng karapatang makagamit  ng mga likas na kayamanan ng bansa (Parity Rights) (Rubin et al. 2001).

Sa pamamagitan ng mga namahala at nagpalakad sa pamahalaan, unti-unting umuusad ang bansa. Nagbunsod sila ng iba’t ibang programang pangkabuhayan at patuloy na sinisikap palaguin ang mga kayamanang likas sa bayan.

Kaalinsabay ng pagbabagong-tatag ng bansa ang pagbabago ng Panitikang Filipino. Mula panahon ng bagong kalayaan (1946-1972) patungo sa bagong lipunang (1972-1986) hanggang sa kasalukuyan (1986-  ), namumutawiang pag-unlad ng Panitikang Filipino. Nagkaroon ng mga pagbabago sa porma, istilo at ideya ng mga may akda mapa-rehiyonal man o mapabansa.

Malaya nang sumulat sa iba’t ibang paksa. Ang mga samahan at pamahalaan ay nagkaroon ng pagganyak upang maisulong ang kalagayan ng ating panitikan. Andiyan ang Palanca Memorial Awards in Literature, Gawad ni Balagtas, Republic Cultural Heritage Award, Talang Ginto at iba pa. Nagsilbing inspirasyon ito at isang pagpapahalaga sa kasiningan ng mga manunulat. Kaya’t marapat lamang na mabigyan sila ng karangalan at gantimpala upang lalong sumigla ang pagsulat at kaalinsabay nito ang pagyabong ng panitikan.

 

I.         Mapaghimagsik na Panitikan

 

Sa pagpasok ng taong 1970, nagkaroon ng mga pagbabago sa paksa, istilo at anyo ng wika ang Panitikang Filipino. Nagkaroon ng mga impluwensiyang kanluran ang ating panitikan dahil sa mga bagong babasahing galing sa ibayong dagat na kinalalathalaan ng mga hidwaan sa ideolohiya. Kaya’t ang ating mga kabataang manunulat ay hinarap ang mga suliraning pampulitika at pangkabuhayan ng bansa. Lumitaw ang kathang mapanuri gaya ng malaking pagkakaagwat ng mga mayayaman at ng mga dukha, ang pagmamalabis ng mga nakapangyayari sa bansa at ang mga kapuspalad na nawawalan ng mga karapatan (Salazar et al. 1995).

Nagsimula ang mga lathalaing matatapang at mapaghimagsik sa mga kampus ng mga kolehiyo at mga pamantasan sa kani-kanilang mga pahayagang pampaaralan. Panlipunan, pampulitika at pangkabuhayan – dito uminog ang kanilang mga kathang madalas ay maikling kuwento at tula.

Kabilang sa mga batang makatang ito ay sina Virgilio Almario, Rogelio Mangahas, Jose Lacaba, Epifanio San Juan, Lamberto Gabriel, Virgilio Vitug, Lamberto Antonio, Cesar Mella, Jr. at marami pang iba.

 

 

II. Pangkasalukuyang Panitikan

 

Lumawak ang saklaw ng Panitikang Filipino, makapangyarihan ang panulat at maging ang midya sa pagpapalaganap nito. Ang mga balita sa radyo, mga palabas sa telebisyon, mga pahayagan at babasahin ay umantig sa kamalayan at damdamin ng bayan. Sa  panahon ng mga cell phone, internet at iba pang inobasyon, nananatili pa ring buhay ang panitikan. Ang hamon: patuloy na diligan at lagyan ng sapat na pataba at atensiyon upang buhay na buhay at masarap ang bungang panitikan.

Gayunpaman, ang taong-bayan ay naghintay at umasa sa mga pagbabago, na magpahanggang ngayon, yon ang ginagawa ng mga masa, ang umasa sa pag-asang hindi malaman kung kelan darating ang kaganapan.

 

 

 

Konklusyon:

Ang Puno ng Panitikang Filipino

           

 

Ugat ang pundasyon

Mga tangkay wari’y galamay

Sa paglaganap ng mga dahon

Bunga sa dulo ang nagpapatunay.

 

            Tunay ngang, ginintuang kayamanan nating maituturing ang ating Panitikang Filipino. Kalakip nito ang ating makulay na kasaysayan. Sinasalamin nito ang ating hitik na kultura at tradisyon. Sa kabuuan ito ay ang ating talaarawan bilang Pilipino – ang ating Panitikang Filipino.

            Araw-araw nararamdaman natin ang ating panitikan, buhay na buhay ito sa ating mga puso’t isipan. Dito tayo lumaki at nagkaisip, ito ang ating lunduyan at tahanan.

            Sa pananatili ko sa isang lungsod, sabik ako sa tuwing ako’y bumabalik sa aming probinsiya, sa aking orihinal na tahanan. Ang pagbabalik ko ay hindi lamang tinupad ang pangakong magbabalik gaya ni Mc Arthur sa kanyang popular na linyang “I shall return,” kundi masasabi kong higit pa, ang tumpak na linya na akma sa akin ay “I’ll always return.”

            Sa kanta nga ni Gary Valenciano, “Babalik ka rin” na hindi lang ito patungkol sa mga nangingibang bansa o ang tinaguriang OFW, kundi patungkol ito sa bawat mamamayang Pilipino. Lagi tayong bumabalik sa ating pinanggalingan. Ang taling hindi mapuputol lumipas man ang panahon. Dahil ang pagtanaw sa pinanggalingan ay mahalaga sa pagkatao at pag-unlad ng isang tao, ito ang ugat, ang pundasyon.

            Gaya ng ating panitikan, ang ating mga katutubong panitikan, mga oral at salindila ng ating mga ninuno ay napakahalaga sa ating pagkatao. Nagkaroon ng mga  sangay sa pagpapalaganap at pagpapanatili ng mga ito sa tulong ng ating rehiyonal na literatura. Sa mga panahon ng kolonyalismo sa bansa, sinabi ng ilan na ito’y namatay ngunit ito’y isang pagkakamali dahil buhay ito sa mga lalawigan. Ito ang kanilang tradisyon, kultura at ritwal kaya’t hinding-hindi ito papanaw. Sa katunayan, hinaharang ang paglaganap nito sa sentro kaya’t hirap itong makadaloy. Ito ang pagkakaiba ng taga-bukid at taga-bayan na termino ni Propesor Bienvenido Lumbera, may boundary. Ang pagkakaroon ng paghihiwalay o pagpangkat ayon sa uri at katayuang panlipunan ay kasalukuyan pa ring nararanasan at sinisikap batbatin.

            Ang panitikan sa panahong Kastila, Amerikano at Hapones, ay umayon sa naghaharing uri, sa namamayaning pamahalaan. Nagkaroon ng paghiram at paghahalo mula sa orihinal na atin dahil sa mga kaisipan at kamalayang pinabatid at pinaranas sa atin. Sa madaling salita, may impluwensiya sa ating yumabong na panitikan. Ngunit sa lahat ng mga inihain nila sa atin, sinala natin at dinampot lamang ang angkop sa ating kontexto. Hindi natin ito sapilitang kinain sa halip, pilit na bumubuo ng sarili natin. Ginamit natin ang mga ito sa higit na ikakabuti natin, ng ating panitikan.

            Bilang mga manunulat sa kani-kanyang panahon, may ipinahihiwatig ang bawat akdang nagawa at nilimbag sa pulitika, ekonomiya, lipunan, kultura at heyograpiya ng  sumusulat at ang sinusulatan. Ang ideya at kamalayan ay resulta ng pagbulay-bulay at pagranas ng tagapagbigay nito at nabubuhay sa tagabasa at tagaimplementa nito.

            Mahihinuhang ang mayorya ng tagabagbigay ng ideya o ang mga manunulat ay ang kalalakihan at katiting na bahagdan lamang sa kababaihan. Isang dahilan dito ay ang matandang paniniwalang ang mga babae ay pantahanan lamang at hindi pagkakaroon ng pagkakataong magkaroon ng sapat na edukasyon. Hindi pinagkatiwalaan dahil sa inisip na mahihinang katangiang tinakda. Ikinahon ang maaari pang maging papel ng isang babae, itinago sa malaking baul ni Lola. Dahil sa paniniwalang ito, naging karaniwan at automatic na sa mga sumunod na henerasyon. At dahil sa makabagong ideya, naisip ng naunang mga kababaihang pakialaman ang baul at lumabas ang nararapat na mga nabaong karapatan nila.

            Ang dating si Narda na may kapansanan at kahinaan ay naging si Darna na punung-puno ng pag-asa, kapangyarihan at kalakasan. Si Mara na noo’y inaapi-api, naging si Ysabel na ngayo’y lumalaban. Ang pamumukadkad ng panitikang pangkababaihan o ng kababaihan sa panitikan ay nangyari at kasalukuyang nangyayari sa pamamagitan ng mga pagsasapraktika at patuloy na pagsasapraktika sa mga nararapat na pagpapahalaga sa kanila. Ang pagkakaroon ng boses at pagkakataon ay napakaimportanteng bagay tungo sa minimithing pagkilala at pagkakapantay-pantay.

Sa ating kalayaan na masasabi kung hindi ganap, dahil sa pamamayani ng naghaharing-uri na batid ng kamalayan natin, maging sa ating pang-araw-araw na karanasan, lantad tayo sa tunay na kalagayan ng lipunan, ang hamon ay laging paghahanap ng pagbabago,  ang pagbabagong nakakabuti sa ating pagkatao, ang pagbabagong nakakabuti sa ating kumunidad patungo sa ating kapuluan.

Mula sa identidad sa pinanggaligang rehiyon patungo sa identidad bilang isang nasyon – ito ang ating layunin. Ang magkaroon ng pundasyon patungo sa matayog na puno ng nagkakaisang bunga. Naniniwala akong hindi ito isang likhang-isip lamang, o ideal na pamantayan, kundi isa itong natural na bagay na siyang nararapat na unti-unting binubungkal ng isang partisan, gaya ko, gaya nyo.

            Pagkatapos ng mga unos na nagdaan, kahit na hilo at walang kaayusan, nananatili pa rin ang puno sa kanyang kinatatayuan. Naging matatag sa hamon ng kapaligiran at nanindigan dahil sa paghawak ng kanyang mga ugat sa lupang tahanan.      

            Sa mga pinagdaanang karanasan, namunga ang panitikan, mula sa hilaw papahinog na bunga na pinipitas ng kasalukuyang henerasyon. Ngunit sa lahat ng bunga, mayroon at mayroong mahuhulog o makukuhang bulok o hilaw pa at kailangan pa ng sapat na panahon sa kanyang paghinog. At sa mga bungang nahulog, may mga bagong batang puno na uusbong at maaaring higit pa sa mga nauna.

Bungang dilaw

Bungang berde

Bungang tsokolate

Punong mangga pa rin sa huli.

 

 

Bibliograpi

 

Arrogante, Jose A., Nunilon G. Ayuyao at Vilma M. Lacanlale. Panitikang Filipino Antolohiya. Mandaluyong City: National Book Store, 2004.

Chua, Apolonio B., et al. Linangan. Quezon City: Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, University of the Philippines, 1999.

Deveza, Eduardo at Pructuosa Guamen. Panitikang Pilipino. Quezon City: G.M.S. Publishing Corp., 1979.

Eugenio, Damiana L. Philippine Folk Literature: An Anthology. Quezon City: Folklore Studies Program at The U.P. Folklorists, Inc., 1982.

Lacia, Ferdilyn C., et al. The Literatures of the Philippines. Manila: Rex Book Store, 2003.

Lumbera, Bienvenido. Filipinos Writing: Philippine Literature From The Regions. Pasig City: Anvil Publishing, Inc., 2001.

Lumbera, Bienvenido at Cynthia Nograles Lumbera. Philippine Literature: Revised Edition. Pasig City: Anvil Publishing, Inc., 1997.

Rubin, Ligaya T., et al. Panitikan sa Pilipinas. Manila: Rex Book Store, 2001.

Salazar, Lucila A., et al. Panitikang Filipino: Pangatlong Edisyon. Quezon City: Katha Publishing Co., Inc., 1995.

Tonogbanua, Francisco G. A Survey of Philippine Literature. Quezon City: U. P. Filipiniana, 1977.

 

 Posted 1/30/2008 7:01 AM - 76132 Views - 0 eProps - 0 comments

Give eProps or Post a Comment

Sign in to CommentChoose Identity
Give eProps (?)
Post a Comment
Add Link | Preview HTML comment help 
Profile Pic:
Default  |  Choose »  (?)

(?)

Back to cytheria_07's Xanga Site!
Note: your comment will appear in cytheria_07's local time zone:
GMT -05:00 (Eastern Standard - US, Canada)